top of page

Lumutang sa Baha ang Iba’t Ibang Mukha ng Krisis: Marcos Jr., Ideklara ang Pambansang Climate Emergency! Tugunan ang Krisis sa Klima!

ree

Ilang araw bago ang talumpati ng Pangulo, nagsalita na ang tao at kalikasan para sa kanya. Malala at malawakang pagbaha, kawalan ng hustisya sa pagpigil sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte, pagpapatuloy ng mga fossil fuel projects, at iba pang lantarang katiwalian—Ito ang estado ng ating bansa.


Nasa 4.6 milyong katao ang apektado ng tatlong magkakasunod na Bagyong Crising, Dante, at Emong, ayon sa pinakahuling ulat noong ika-25 ng Hulyo 2025. Tinatayang 4.8 bilyong piso ang halaga ng napinsalang imprastraktura, habang 26 ang buhay na nasawi. Matagal nang isinusulong ng mga progresibong grupo na iimplementa nang maayos ang National Adaptation Plan (NAP) 2023-2050 ng gobyerno upang siguruhin na ang climate insurance ay makakaabot sa mga nasasalanta tuwing may bagyo.


Gayunman, ang tanging tugon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) ay ang pahayag na “new normal” na ang nangyaring delubyo. Marapat na ang NAP, at iba pang plano, ay tumutugon sa bagong normal na ito na lumulubha pang lalo sa paglipas ng mga taon sanhi ng patuloy na di pagtugon sa krisis sa klima.


Tila patuloy na pagkamal ng tubo at pagpapalala ng krisis sa mamamayan ang tinutugunan ng kasalukuyang gobyerno. Suportado ni PBBM ang industriya ng liquefied natural gas (LNG) na lalo pang sumira sa kalikasan ng bansa. Noong Enero 2025, pinirmahan ni PBBM ang Republic Act No. 12120 o ang Philippine Natural Gas Industry Development Act.


Hindi lamang LNG, kundi maging ang coal ay patuloy na nagdodomina sa industriya ng enerhiya ng bansa. Hinahayaan, at kadalasa’y sinusuportahan, ng gobyerno ang pamamayagpag ng malalaking kompanya at korporasyon at pagpupumilit nitong pumasok sa mga komunidad upang magtayo ng maruruming planta ng coal. Kamakailan lang, muling inisyuhan ng Department of Energy ng status na "committed capacity" ang 1,200 MW Atimonan One Energy Inc. (AOE) coal-fired power plant project ng Meralco PowerGen (MGen). 


Anupa’t nagmungkahi din ng mga kasunduan sa United Arab Emirates at Argentina ang gobyerno ni PBBM para sa pagpapaunlad ng enerhiyang nukleyar sa bansa. Lumagda rin ang Pilipinas at South Korea sa isang kasunduan na magsagawa ng feasibility study sa muling pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant.


Halos taun-taon kung banggitin ni PBBM sa kanyang SONA ang pagsulong ng paggamit sa renewable energy ngunit kabaligtaran ang isinasagawa niya. Nahuhuli pa rin sa listahan ang pagtugon sa krisis sa klima, kasama ng mga isyung patuloy na nagpapahirap sa batayang sektor.


Nariyan ang kinakaharap na isyu ng maliliit na mangingisda sa pagpapahintulot ng Korte Suprema sa malalaking palakaya na mangisda sa munisipal na katubigan. Inaapela pa rin ng mga magsasaka ng Bukidnon sa Department of Agrarian Reform na maipamahagi na sa kanila ang lupang kanilang deka-dekadang binubungkal. Totoo rin ito sa maraming bahagi ng bansa.


Sa gitna ng baha, kahirapan, at kawalan ng hustisya, litaw na litaw ang samu’t saring suliraning panlipunan sa ilalim ng administrasyon ni PBBM. Sa ikatlong taon niya sa panunungkulan, hindi nararamdaman ang pagtugon sa mga nasabing problema, ngunit damang-dama ang pagkalugmok ng mamamayan. 


Kay tagal nang ipinapanawagan ng mga progresibong grupo ang deklarasyon ng pambansang climate emergency. Ito ay upang makakatha ng kongkretong mga hakbangin upang tugunan ang krisis sa klima na kakawing na iba’t ibang isyung panlipunan.


Tama na, sobra na. Kung hindi ilalahad ni PBBM ang totoong SONA ng bansa, pakinggan ang naratibo ng mamamayan sa lansangan, sa gitna ng sakuna, sa gitna ng krisis sa ekonomiya at klima. ###



Para sa mga katanungan:


Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Viber: +639916692356


bottom of page