Matinding pinsala ng shear line ngayong Amihan season sa kabuhayan ng mamamayan, manipestasyon ng krisis sa klima —PMCJ
- Media Communications

- Feb 11
- 3 min read

Quezon City, Pilipinas — Umabot na sa ₱16.3 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura na dulot ng matitinding pag-ulan sa probinsya ng Negros Occidental, ayon sa ulat noong Pebrero 11, 2026. Di pa rito kasama ang pinsala sa ibang probinsya, lalo na sa bahagi ng Visayas at hilagang Mindanao na sinalanta kamakailan ng bagyong Basyang, na tinatayang pinatindi ng shear line ngayong Amihan season.
“Karamihan sa mga nailalathalang balita tungkol sa shear line at Amihan season ay dahilan ng pag-ulan mula Oktubre hanggang Pebrero at lalo na tuwing Kapaskuhan. O di kaya’y nagpapatindi ng mga dumaraang bagyo. Kahit tama ito, marapat ding ipatampok na ang shear line at Amihan ay di lang ‘magpapaulan sa Kabikulan ngayong Biyernes’. Sa milyun-milyong halaga ng pinsalang nadudulot nito sa mamamayan, lalo na sa batayang sektor, dapat itong paghandaan. Hindi ito simpleng ‘scattered rains’ kung ang epekto nito ay kawalan ng kabuhayan para sa mga mangingisda at magsasaka,” ani Ian Rivera, national coordinator ng PMCJ.
“Pinapatindi ng global warming ang shearline. Mula nang lumampas ng 1.0 degree centigrade ang average global temperature noong 2020, taunan na kung bumayo ang shear line sa ating bansa. Mas mabangis ang dala-dala nitong malakas na hangin at matinding ulan. Ito dapat ang pinaghandaan ng gobyerno habang pinapaliwanag ang magiging epekto nito,” dagdag ni Rivera.
Matagal nang ipinapanawagan ng PMCJ at ibang grupo kung anu-ano ang manipestasyon ng krisis sa klima. Isa lamang sa napakaraming epekto ang pagtindi ng shear line at Amihan, at pagpapalakas nito sa mga dumaraang bagyo sa bansa. Noong Pebrero 2024, higit ₱173 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng pag-ulan at pagbaha sanhi ng shear line.
“Sa hilagang Mindanao, ang pinagsamang epekto ng shear line at ng #BasyangPH ay nagresulta sa matinding pagbaha, partikular sa Iligan City. Ayon sa PAGASA, ang naitalang dami ng ulan sa ilang upstream areas ay lumampas sa tinatawag na 100-year return period, na nangangahulugang isang porsyento lamang ang tsansa na mangyari ang ganitong antas ng ulan sa anumang taon. Gayunman, ipinapakita ng pangyayaring ito na ang mga dating itinuturing na ‘rare’ na extreme weather events ay maaari nang mangyari sa kasalukuyang panahon,” ani Laica Rayel, senior campaigner on food, land, water, and climate ng PMCJ.
Mahigit 350 millimeters ng ulan ang naitala sa ilang rain gauge stations sa rehiyon, na nagdulot ng pag-apaw ng mga ilog at pagkabigo ng mga drainage system. Dahil dito, libo-libong residente ang naapektuhan at napilitang lumikas, habang maraming komunidad ang nalubog sa baha sa loob ng ilang araw.
"Sa 12 Pilipinong namatay dahil sa bagyong Basyang, walo ang mula sa Iligan City. Di pa pinal ang mga datos at mukhang madadagdagan pa. Sa ilang taon naming pagkilos laban sa mga proyektong mapanira sa kalikasan tulad ng coal-fired power plant sa aming lugar sa Kauswagan, naiintindihan namin na di normal ang malalakas na pag-ulan at pagbahang ito. Kailangan nating isulong ang hustisyang pangklima at wakasan ang mga gawain at proyektong pumapatay sa tao at planeta,” ani Rosalinda Calaca, residente ng Tacub, Kauswagan, Lanao del NOrte, at pangulo ng Tacub Homeless Initiatives in Keeping its Rights (THINK).
Sa ulat noong Enero 2025, umabot sa higit ₱67 milyon ang pinsala sa palay, mais, high-value crops, at livestock sa Mimaropa, kanluran at silangang Visayas, Davao at rehiyon ng Soccsksargen. Naglalaro sa daang milyong piso ang halagang nawawala sa Pilipino taun-taon dahil sa shear line tuwing Amihan season.
“Kailangan nating tingnan at iulat ang mga pagbabago sa ating klima dulot ng krisis na dinaranas nito. Bukod dito, huwag kakalimutan ang pag-uulat di lamang ng halaga ng pinsala sa mga sektor na pangunahing tinatamaan nito kundi maging aktwal na estado at kahulugan ng shear line, easterlies at iba pang weather phenomena,” ani Rayel.
“Kasabay ng panawagan ng reparasyon ay ang pagsusulong ng tamang pagtugon sa krisis sa klima—deklarasyon ng National Climate Emergency at pag-ayon ng programa at polisiya ng gobyerno sa pagwawakas sa coal at iba pang fossil fuels, at pagtutulak ng makatarungang transisyon sa renewable energy nang walang naiiwang sektor o grupo. Walang lugar sa magaan na pagbabalita kung napakabigat na kinakaharap ng aping mamamayan dulot ng krisis na ito,” ani Rivera. ###
Para sa katanungan:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Viber: +639916692356
WhatsApp: +639380898327
May mga ulat mula kay:
Valerie Dolatre
Food, Land, Water, & Climate Campaign Staff
Philippine Movement for Climate Justice




Comments