Bulakenyo Laban sa Baha, Krisis sa Klima, Katiwalian, at Kawalang-Hustisya: Tama na, Sobra na, Baguhin na ang Sistema!

Kaisa ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa malawak na hanay ng mga Bulakenyong nagkakaisa laban sa bulok na sistemang nagpapahirap sa mamamayan. Wala nang ibang panahon na lumaban at singilin ang palpak at bingi na gobyerno sa tunay na pangangailangan ng taumbayan kundi ngayon.
Sa daluyong ng patong-patong na krisis, ang pagkilos ngayong araw ay isa lamang sa mga galit na kailangang harapin ng pamahalaan na lalo pang titindi sa bawat proyektong hindi natatapos, bawat pangakong hindi tinutupad at bawat pisong ninanakaw sa kaban ng bayan.
Matagal nang paulit-ulit ang katakot-takot na baha sa Bulacan. Sentro pa ito ng flood-control scam. Dumagdag pa sa perwisyo ng mga Bulakenyo ang pribatisasyon ng tubig at kuryente at ang pagpapatayo ng dambuhalang proyekto tulad ng airport. Kamakailan lamang, higit sa sandaang baranggay sa Bulacan ang nananatiling nakalubog sa baha kahit tumila na ang ulan. Literal na di pinahihintulutan ng kalagayan na humupa ang galit ng mamamayang Bulakenyo sa inutil na sistema.
Hindi pa nga humuhupa ang baha ay nahaharap na naman sa pinakamataas na babala ng malakas na pag-ulan at agarang paglikas ang mga bayan ng Hagonoy, Malolos, Paombong, Calumpit, Baliuag, Pulilan, at Plaridel – habang nagpapakawala pa ng tubig ang Ipo Dam at tumataas ang high tide sa mga kostal na bayan.
Batay sa paunang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong Agosto 14, umabot na sa PhP 279 milyon ang naitalang danyos sa buong lalawigan. Mahigit PhP 96 milyon dito ay para sa agrikultura at pangisdaan. Samantala, 884,217 katao mula sa 256,942 pamilya ang naitalang apektado sa buong Bulacan. Patuloy pa ring nanganganib ang mga Bulakenyo, kaya mahirap makita ang kabutihang dulot ng deklarasyon ng state of calamity ng gobernador ng Bulacan noong Agosto 20. Aanhin ng pamilyang lumalangoy sa lampas-taong maruming tubig ang isang deklarasyon na bulag sa tunay na pangangailangan ng mamamayan? Matindi ang kahingian na lumampas na sa pagsusuri na nagmumula sa tatlong direksyon ang baha na napupunta sa Bulacan lalo na kung naglipana na ang mga bidyo ng sakuna sa social media, na nasusundan ng panawagan ng tulong at ayuda.
Kulang na nga, at kung minsan ay hindi na dumarating ang suporta mula sa pamahalaan, ay ituturo na ng gobyerno ang sisi sa lahat maliban sa sarili nito. Sa panayam noong nakaraang linggo lamang, binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos na ang palyado at hindi nagawang flood-control projects sa Bulacan ang dahilan ng pagbaha na sinasabayan ng hindi na normal na lakas ng pag-ulan. Ngunit hungkag ang mga ito lalo pa at hanggang ngayon ay pinaniniwala lamang ang taumbayan sa
Makailang beses nang sinabi ng mga siyentista ang malagim na banta sa buhay at kabuhayan ng Super El Niño. Bukod sa paghahanda, marapat na kilalanin natin, lalo’t higit ang gobyerno, na ang malalang tagtuyot at pag-ulan ay bunga ng krisis sa klima na dulot ng dantaong paninira sa kalikasan.
Umaabot na nang higit sa sandaang milimetro ng tubig-ulan na dulot ng Habagat ang bumabagsak sa loob lamang ng lima hanggang sampung oras. Ganito ang dami ng tubig-ulan na bumubuhos sa tuwing may bagyo, ilang taon lamang ang nakakalipas. Patindi nang patindi ang kalagayan ng planeta at klima dahil sa patuloy na pagsira rito ng kaliwa’t kanang proyekto na inuuna ang tubo at ganid na interes ng mayayaman.
Halimbawa na rito ang matagal nang tinututulan na ₱740-billion Bulacan International Airport o ang New Manila International Airport (NMIA) ng San Miguel Corporation (SMC). Bukod sa kapalpakan sa konstruksyon, naaantala ang paggawa rito dahil sa mariing pagtutol ng mamamayang Bulakenyo. Bagaman itinatanggi ng SMC, kostal na pamayanan ang apektado at mapapaalis sa pagtatayo ng dambuhalang proyektong ito. Marami ring migratory birds na maaapektuhan, gayundin ang mismong river ecosystem na masasagasaan nito.
Pinatutunayan ng mga pag-aaral na ang mabilis na paglubog ng mga lupang baybayin na nasa hangganan ng Manila Bay ay magpapalala sa pagbaha at pagtaas ng tubig. Bulag ang pamahalaan sa geohazard risks na tinuturan ng proyektong ito ng SMC. Hindi matatapalan ng pagtatanim ng mangroves ng SMC at river clean-ups ang malawakang destruksyon na isusulot ng NMIA. Ang mga malalaking kompanya na gaya ng SMC ang patuloy na nagsusulong ng maruruming fossil fuel projects na pumapatay sa kapaligiran at komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang patuloy nilang paggamit ng coal ang isa sa mga sanhi ng nakakalulang presyo ng kuryente sa kabila ng madalas na brownouts.
Ang pribatisasyon ng mga dapat sanang pampublikong serbisyong ito ang lalo pang naglulugmok sa lugmok nang mamamayan. Halimbawa na lamang ang suplay ng tubig sa Bulacan na inaabot ng ilang araw ang pagkaantala, maging ang 134,000 na Bulakenyong hanggang ngayon ay walang akses sa malinis na tubig.
Hindi tayo dapat maparalisa ng patong-patong na krisis; higit lalo ay mas dapat tayong lumaban. Hindi dapat magpatuloy ang pang-aapi; mas dapat natin itong salagin. Sa paulit-ulit na pagkabigo natin dahil sa bulok na sistema, wala tayong ibang magagawa kundi wakasan at baguhin ito. ###

Para sa katanungan:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Viber: +63-991-669-2356
WhatsApp: +63-938-089-8327





Comments