Panahon ng Lagim, Panahon ng Paglaban: Mula Batas Militar Hanggang Ngayon, Protektahan ang Kalikasan, Isalba ang Mamamayan!

Ang kalagayan ng kalikasan at pamamalakad ng gobyerno ay magkasalungat: patuloy ang paglubha at pagkasira ng yamang likas, habang iisa lang ang kawalang-aksyon at kawalang-pananagutan ng gobyerno, mula noon hanggang ngayon. Sa ganitong sistema, wala tayong ibang tutunguhin kundi mas matinding kahirapan at mas maraming kamatayan.
Sa ika-54 na taong anibersaryo ng Martial Law o Batas Militar ni Ferdinand Marcos Sr., irehistro natin sa kasalukuyang gobyerno ng kanyang anak na si Bongbong Marcos Jr. (BBM) na hindi nalilimutan ng mamamayan ang kalapastanganang iniluwal ng kanyang ama sa Pilipinas, na pinapanatili niya sa pamamagitan ng pagmasaker sa kalikasan at paghambalos ng mga epekto nito sa sambayanang Pilipino.
Ipinakikilala ng Batas Militar ang sarili nito bilang panahon kung kailan umusbong ang malawakang pagpapaunlad ng imprastraktura, mga programa sa agrikultura, at pagtatayo ng mga institusyon. Ibinida rin ni Marcos Sr. ang kaniyang environmental agenda, kung saan ipinapakita nito ang pag-unawa niya sa kahalagahan ng kalikasan sa pag-unlad ng ekonomiya. Sa kabila ng mga ito, hindi paborable ang naging epekto ng kaniyang mga proyekto sa tao at sa kalikasan.
Binigyang-prayoridad ng kaniyang mga programa ang huwad na pag-unlad sa kanayunan at isinasantabi ang kapakanan ng mga naninirahan doon. Isa sa mga halimbawa nito ang Chico Dam Project kung saan pinaslang si Macli-ing Dulag nang tumutol ang kanilang komunidad sa proyekto. Sa pinakabagong ulat ng Global Witness, sa loob ng 13 taon, ang Pilipinas pa rin ang pinakadelikadong bansa sa Asya para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan dahil sa nakakalulang bilang ng mga kaso ng pagpatay.
Parehong mekanismo lamang noon hanggang ngayon. Ang Chico Dam ay isang hydroelectric na proyekto na pinondohan ng World Bank at sasagasa sa libu-libong residente ng Kalinga at Bontoc na umaasa sa Chico River para sa irigasyon at pang-araw-araw na pangangailangan. Nagpopondo pa rin ang mga dambuhalang bangko tulad ng World Bank sa mga mapanirang proyekto tulad ng coal-fired power plants, habang nananatiling bingi ang gobyernong BBM sa hinaing ng mga apektadong komunidad.
Lantaran ang paninira sa kalikasan noong Batas Militar. Sa panahong ito, naging isa ang Pilipinas sa mga pangunahing nag-i-import ng troso sa United States at sa Japan. Dito nagsimula ang malawakang pagkakalbo ng mga lokal na kagubatan. Mahigit 8 milyong ektarya ng mga puno sa kagubatan ang nawala, kung saan ang 2 milyong ektarya nito ay labis na napinsala at hindi na kayang maibalik sa dating kalagayan.
Mahigit limang dekada, ipinagpatuloy ni BBM ang palyadong hakbangin ng kaniyang ama, kapalit ng mas malawakang destruksyon sa kalikasan at pagkalugmok ng mga Pilipino sa bawat kontratang layuning biguin ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Sa ilalim ng administrasyong BBM, maraming komunidad ang nawawalan ng kabuhayan dahil sa mga malalaking proyekto na para sa ‘pag-unlad’ ng bansa. Patuloy na lumalawak ang operasyon ng pagmimina sa bansa na lalong nagpapalubog sa kahirapan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga katutubo. Sa sektor na ito, halos 650,000 ektarya ng lupa sa buong bansa ang sakop na ngayon ng mga konsesyon.
Bukod sa paglawak ng pagmimina, lubos pang tinatangkilik ng administrasyong ito ang fossil gas o liquefied natural gas (LNG) bilang transition fuel o ‘malinis’ na enerhiya. Noong 2025, nilagdaan ni BBM ang Gas Law o Republic Act No. 12120, na nagsusulong sa industriya ng fossil gas sa bansa. Matagal nang sinasabi ng mga siyentista na ang gas ay hindi malinis na enerhiya at magdudulot lamang ng matinding dagok sa malala nang kalagayan ng ating klima.
Hindi lamang fossil fuels ang huwad na solusyon na nilalatag ng administrasyon ni BBM. Kamakailan lang, pinapalawak ng Department of Energy ang programa nito sa waste-to-energy (WTE). Maraming grupo na ang nagtakwil sa ideyang ito dahil sa dagdag nitong emisyon at sa posibleng pagdami ng problema ng bansa sa basura.
Hindi nagkakalayo ang karanasan ng mga Pilipino noong panahon ng Batas Militar at sa kasalukuyan. Sa kasalukuyan, patong-patong na krisis na ang kinakaharap ng masa dahil sa panlilinlang ng sariling gobyerno sa mga nasasakupan nito. Ang patuloy nitong pagsuporta sa mga huwad na solusyon ang pumipigil sa bansa na tuluyang masolusyunan ang ugat ng problema. Ang pagpapalawak ng fossil fuel industry, pagtulak sa WTE, at ang maling alokasyon ng mga pondo ang mga tunay na problema na ginawa ng administrasyong ito.
Kung magpapatuloy ang legasiya ng mga Marcos sa kabuktutan ng sistemang ito, patuloy ang paglubog ng masang Pilipino. At habang lumulubog ang bansa sa katiwalian, patuloy ring lalakas ang puwersa ng masa upang tumindig at sumigaw ng katarungan. ###
Para sa mga katanungan:
Danica Espedillon
Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Mobile: +63 910 896 0894





Comments