Ang Tunay na Kalayaan ay ang Paglaya Mula sa Bulok na Sistemang Pumapatay sa Tao at Kalikasan
- Media Communications
- Jun 13
- 2 min read

Tulad ng pagbabago ng panahon, patuloy ring nagbabago ang mukha ng pang-aapi, panggigipit, at pagpapahirap. At ang patuloy nating pagwawagayway ng kahulugan ng tunay na kalayaan ang guguhit sa ating landas tungo sa kasarinlan na rumerespeto sa karapatan ng tao at kalikasan.
Ngayong araw, inaanyayahan ng gobyerno ang mamamayan na gunitain ang ika-127 anibersaryo ng paglaya ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya—ipagdiwang raw natin ang Araw ng Kalayaan. Tila mahirap itong gawin kung kontrolado ng malalaking dayuhang bansa ang ating pambansang merkado at iba’t ibang industriya, at kinakamkam nila ang ating karagatan at mga likas na yaman.
Hindi kadiwang-diwang ang “Araw ng Kalayaan” kung sa Pilipinas itinatayo ng mga dayuhang bansa ang kanilang maruruming planta na pinapagana ng fossil fuels na pumapatay sa mga residente sa paligid nito, at nagpapalala pa sa malala nang krisis sa klima. Walang tunay na kalayaan kung ang gobyerno natin mismo ay naging kasabwat ng mga kapitalistang patuloy ang mala-linta na pagkalam ng yaman mula sa negosyong winawasak ang kalikasan ng bayan at ang lakas-paggawa ng mamamayan.
Patuloy ang pagkakasakit ng mga taga-Naga, Cebu matapos silang mapaalis sa kanilang mga tirahan dahil sa 200-Megawatt na planta ng coal na proyekto ng Korea Electric Power Corp.-Salcon Power Corp. Katulad nito, kung hindi tagapag-pondo ay tagapagmay-ari ng mga maruruming proyekto dito sa Pilipinas ang iba't ibang dayuhang bansa.
Patung-patong din na problema ang iniinda ng mga mangingisda sa bayan ng Mariveles, Bataan. Higit pa sa kumonting huli sanhi ng mga maruruming planta na pumapatay sa mga isda at sumisira sa corals, nakakaranas din sila ng intimidasyon sa bahaging malapit sa West Philippine Sea na inaangkin ng Tsina.
Anupa’t suliranin din ang desisyon ng Korte Suprema na pagpapahintulot sa mga komersyal na mamalakaya na mangisda sa 15-kilometrong munisipal na katubigan. Batid natin na ang maliliit na mangingisda ang naglalagay ng pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino, dahil pang-export lang ang mga produkto ng komersyal na palakaya.
Halos lahat na ng uri at aspeto ng komersyo ay pinamumugaran ng dayuhan at kapitalistang kontrol at impluwensya na siyang lalong nagpapahirap sa ating kalagayan at sumisira sa ating kalikasan at planeta. Kung kaya higit sa paggunita sa araw na ito, mas kailangan ang pagkilala at paninindigang di pa tapos ang laban. Habang may Pilipinong nasasangkalan ang buhay at kabuhayan sa ngalan ng sakim na dayuhang interes, hindi tayo titigil sa ating sanga-sangang panawagan.
Pinagpupugayan natin ngayong araw ang magigiting na bagong bayani ng ating panahon na walang maliw sa paglaban para sa kalikasan at bayan. Nasa atin ang diwa ng tunay na kalayaang di magagapi ng huwad na mga pananalita, at kasarinlang di magpapadikta at di papatay sa tao at kalikasan.
Mabuhay ang diwa ng patuloy na pagpapalaya sa bayan mula 1898! Kalayaan mula sa mapanupil at elitistang panghahari! Wakasan ang marurumi at mapaminsalang proyekto! Isulong ang kalayaan ng planeta at tao mula sa mapang-aping sistema!
PARA SA KATANUNGAN:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Comments