top of page

Walang tunay na kalayaan sa gobyernong mapagsamantala, adik sa fossil fuels at sa sistemang pinapaburan ang kapitalistang iilan kaysa sa mamamayan —PMCJ


Quezon City, Pilipinas — Huwad ang kalayaan ng mga Pilipino. Buhul-buhol ang mga kadenang nagkukulong at pumipigil sa atin upang makamit ang ganap na kalayaan, makapamuhay sa ligtas na mundo, at mabuhay sa mapayapang lipunan.


Laganap pa rin ang mga mapanirang gawain ng mga korporasyon para sa tubo at pera, na sinusuportahan pa ng pamahalaan. Mula sa pagpuputol ng San Miguel Corp. (SMC) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga matatandang puno sa Quirino Avenue para itayo ang Southern Access Link Expressway (SALEX), hanggang sa mga coal plants ng parehong dambuhalang korporasyon sa Bataan at Zambales, maging fossil gas plants sa Batangas, ang mga komunidad ang ginagawang kabayaran para sa limpak-limpak na kikitain ng mga gahamang korporasyon.


Ayon kay Gloria Abe-abe, isang residente ng Brgy. Tambobong, Villanueva, Misamis Oriental, “Pahirap ang coal plant sa araw-araw naming pamumuhay. Araw-araw na lang ay nalalanghap namin ang mainit at maruming hangin mula sa planta. Pagkagising namin sa umaga, una naming makikita ang mga maiitim na ash fall na dumidikit sa aming mga tanim at sa mga bintana. Marami pa sa aming nagkakasakit dahil sa dumi ng tubig at sa kontaminasyon sa kalikasan dito sa amin. Kailan ba kami lalaya sa mga nakamamatay na plantang ito na sumisira sa aming mga komunidad at sa aming buhay?


Para kay Ian Rivera, national coordinator ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), ang paglaya sa fossil fuels ay simula lang ng paglaya mula sa bulok na sistema. “Kailangan ng makatarungan, pantay, at demokratikong sistema ng enerhiya sa bansa. Sa kasalukuyan, ang 67.5% ng coal at 46% ng fossil gas na ginagamit ng bansa ay inaangkat. Dahil dito, bulnerable ang sitwasyon ng enerhiya sa bansa at nakadepende sa global na presyo at mga kaganapan.”


Sa mga komunidad na kostal at sakahan, kalayaan din ang hiling ng mga mangingisda at magsasaka. Para sa mga mangingisda na apektado ng pagbabago sa klima ang pamumuhay dahil sa sea level rise, pag-bawas ng dami ng huli, at ang pagbaba ng kalidad ng mga isdang nahuhuli, ang pagpasok ng malalaki at komersyal na palakaya sa 15-km na munisipal na tubig na dapat ay eksklusibo sa mga maliliit at artisanal na mangingisda ay dumagdag pa sa problema.


Ang mga lupa naman ng mga magsasaka ay pilit na kinakamkam ng mga korporasyon, at ang mga magsasaka ay dinadahas at pinagkakaitan ng lupang dapat nang naipamahagi. Kamakailan ay naganap ang isang dayalogo sa Department of Agrarian Reform (DAR) Central Office na pinangunahan ng mga samahan na mga magsasakang sa hanay ng ng June 10 Land Rights Committee (J10LRC), kasama ang PMCJ, at pinag-usapan ang isyung kinakaharap ng mga magbubukid  hinggil sa karapatan sa lupa.


Ayon kay Laica Rayel, PMCJ senior campaign officer on food, land, water, and climate (FLWC), “Litaw na litaw na gustong angkinin at kontrolin ng mga korporasyon at ng elite ang produksyon ng pagkain sa bansa para lalong pagkakitaan. Apektado na nga ang mga magsasaka at mangingisda dahil sa krisis sa klima, aagawin pa nila ang kakarampot na natitira para sa ikabubuhay nila para lang mapalobo pa ang kanilang mga bulsa. Deka-dekada na ang ganitong kalakaran. Kailangan nating makalaya sa mga ganid na ito at masolusyonan ang lumalala pang sitwasyon ng suplay ng pagkain sa bansa, kung saan tinatayang 64% ng populasyon ay chronically food insecure.”


Dagdag ni Rivera, “Manipestasyon din ang mga pangyayari sa gobyerno ngayon, lalo na ang sirkus sa Senado, ng kabulukan ng sistema kung saan ang mga kurap ay nag-aaway-away kung sino ang makakapagnakaw nang mas malaki. Tanging ang paglaya mula sa bulok at mapang-aping  sistemang ito ang susi upang makamit ng mga Pilipino ang tunay na kalayaan.”


“Kapitalismo ang pinakamalaking hadlang sa paglaya ng bansa; gayundin ang mga katambal nitong kabulukan sa sistema. Panahon na para gawing tunay at tuluyan ang kalayaan ng bansa. Para sa mga bayaning lumaban sa mga dayuhan sa ngalan ng kasarinlan ng bansa. Para sa mga komunidad na apektado ng krisis sa klima. Para sa mga mangingisda at magsasaka na nagpapakain sa mga Pilipino. Ang kalayaan ay dapat tinatamasa ng lahat, hindi lamang ng iilan.” ###



Para sa mga katanungan sa artikulo:

Christian John P. Argallon

Junior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Para sa ibang katanungan kaugnay sa PMCJ:

Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Viber: +63-991-669-2356

WhatsApp: +63-938-089-8327

Comments


bottom of page