top of page

Kababaihan, Wakasan ang Bulok at Kapitalistang Sistema! Sagipin ang Sambayanan! Itaguyod ang Kasarinlan sa Pagkain!

Oct 14
3 min read

Patuloy pa ring lumalala ang krisis sa klima. Maliban sa mga bahang lumulunod sa mga siyudad dahil sa mga bagyo at habagat, at sa mga tanimang natutuyo dahil sa lalo pang lumalakas na Super El Niño, dumadagdag pa ang krisis sa enerhiya at ekonomiya dulot ng bulok na sistema ng bansa na nagpapalala sa paghihirap at kagutuman na nararanasan ng mga Pilipino.


Ayon sa World Food Programme, inaasahang malaki ang epekto ng Super El Niño sa sektor ng agrikultura sa bansa. Sa lalo pa nitong paglakas sa susunod na taon, tinatayang dodoble ang paghihirap na nararanasan ng sektor dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pataba, binhi, at langis na kinakailangan para sa pagsasaka,  kung idadagdag pa ang mga epekto ng panggigiyera ng US at Israel sa Iran.


Sa dulo nito, ang mga kababaihang sumasalo ng mga suliranin sa mga kabahayan ang makararamdam ng mas matinding paghihirap dulot ng mga krisis sa klima, enerhiya, ekonomiya, at sistema. Ngayong pagdiriwang ng Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan at Pandaigdigang Araw ng Pagkain, kaisa ang Philippine Movement for Climate Justice sa pakikibaka para sa seguridad sa pagkain at para sa mga kababaihan sa kanayunan na pumupunla nito.


Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, malaki ang epekto ng pagbabago ng klima sa seguridad at kalidad ng pagkain ng mga maralitang Pilipino. Para sa lumalalang krisis sa klima at lumalalang kahirapan, malaking dagok ito sa kalusugan at kakayahan ng mga Pilipino na makapaghanapbuhay para sa pamilya at komunidad.


Bilang pangunahing tagapagpanatili ng kalusugan sa mga kabahayan, ang kababaihan ay isa sa mga nagtitiyak na ang nutrisyon ng pagkaing kinakain ng buong pamilya ay angkop. Sa kabila nito, ipinapakita ng mga pag-aaral na mas mataas ang bilang ng kagutuman sa mga babae kaysa sa mga lalaki sa buong mundo. Totoo ito sa lahat ng rehiyon sa mundo. Sa lalo pang pagtaas ng presyo ng pagkain dahil sa kakulangan nito, at sa inaasahang epekto ng Super El Niño sa bansa, hindi malayong asahan na mas magiging matindi ang kagutuman para sa kababaihan, partikular sa mga nasa kanayunan.


Ang mga mahihirap at agrikultural na rehiyon sa Pilipinas ang higit na nakakaranas ng kawalan ng seguridad sa pagkain, ayon sa World Food Programme. Isa itong manipestasyon ng kapabayaan ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura habang patuloy ang pagpapayaman nila sa korapsyon at pakikipagsabwatan sa mga korporasyon. Imbes na magbigay ng tunay na suporta sa lokal na industriya ng maliliit na magsasaka, mangingisda, at iba pang food producers, nakatali ang polisiya sa pagkain at produksyon sa parehong domestiko at pandayuhang interes ng mga korporasyon sa pamamagitan ng liberalisasyon at pagbaba ng taripa sa importasyon. Hindi lamang ito nakakaapekto sa usapin ng soberanya sa pagkain, bagkus, sa pagtitiyak ng mura, sapat, ligtas, at masustansyang pagkain para sa mga konsyumer, pati na rin sa mga maliliit na prodyuser. 


Sa kabila ng lahat ng ito, malinaw na malaki at mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng mga kababaihan sa kanayunan sa buong bansa. Bilang isa sa mga pinakabulnerableng sektor, sila ang may pinakamalakas na boses na maaaring ibahagi sa laban para sa seguridad sa pagkain at sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan. Bilang mga unang nakararanas ng gutom at kalamidad, malaki ang kanilang taya sa laban sa bulok na sistema.


Ang pagsuporta sa kababaihan sa kanayunan ay isang hakbang sa lalo pang pagpapalakas ng ating panawagan para sa kasiguruhan sa pagkain, pagkakapantay-pantay, at hustisyang pangklima—ang tanging solusyon sa krisis sa klima na kinahaharap ng mundo. ###


Para sa mga katanungan:

Christian John P. Argallon

Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Comments


bottom of page