top of page

Wakasan ang Imperyalistang Digmaan! Itigil ang Karahasan sa Klima at Kababaihan!


Ngayong Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, kinikilala ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang malaking kontribusyon ng kilusang-kababaihan sa pagsusulong ng hustisyang pangklima at paglaban sa sistemang patuloy na umaabuso at nananamantala sa babae at lahat ng bulnerableng sektor sa buong mundo.


Nitong nakaraang taon, sunod-sunod ang pananalasa ng mga malalakas na pag-ulan at bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Pilipinas. Kasabay nito ang pagbaha ng mamamayan sa mga kalsada upang panagutin ang lahat ng sangkot sa matinding korapsyon. Ang epekto ng mga krisis na ito, kasabay ng kaliwa’t kanang pambobomba na pinasinayaan ng imperyalistang bansang Estados Unidos (US), ay lubhang nagpapatindi sa paghihirap na nararanasan ng kababaihan at iba pang aping sektor ng lipunan. Gagap natin na hindi gender-neutral ang patong-patong na krisis, kabilang ang krisis sa klima na ating nararanasan. Lagi’t lagi na ang kababaihan, bilang punong abala sa kaayusan ng pamilya, habang binabaka ang opresyon mula sa lipunan, ang pinakamalalang nakakaranas ng mga krisis na ito.


Krisis sa klima ang isa sa pangunahing banta sa seguridad sa pagkain. Winawasak ng sunod-sunod na baha ang mga pananim sa mga bukid. Sa Pilipinas, Hulyo pa lang nitong nakaraang taon, umabot na sa higit isang bilyong piso ang kabuuang pinsala sa agrikultura na idinulot ng tatlong magkakasunod na Bagyong Crising, Dante, at Emong, at ng mas pinalakas na Habagat.


Sa kabila nito, 60% ng lahat ng nakararanas ng kagutuman sa mundo ay kababaihan, ayon sa ulat. Babae rin ang huli at pinakakaunti ang nakakain sa isang pamilya sa gitna ng kakulangan sa pagkain. Ang patuloy na paglala ng krisis sa klima na banta sa seguridad sa pagkain ay patuloy ring nagpapahirap sa kalagayan ng kababaihan.


Ang patuloy na pagsalanta ng malalakas na bagyo ay isa ring balakid para sa pagpapaunlad ng mga kabataang babae. Marami sa kababaihan ay limitado na ang akses sa edukasyon. Sa kabila nito, di lamang bagyo ang sumisira sa mga silid-aralan. Higit isandaang batang babae ang napaslang nang inatake ng missile ng US at Israel ang isang paaralang elementarya sa Iran. Nagsilbi itong isa sa mga mitsa ng retalyasyon at sunod-sunod na kaso ng pambobomba sa Dubai, UAE, at iba pang bansa.


Ayon sa UN Women, pinapalala rin ng krisis sa klima ang karahasan na nararanasan ng kababaihan. Mula sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at tagtuyot, hanggang sa mga lugar na winasak ng giyera ng mga mayayamang bansa para sa kita, babae ang nanatiling dehado at hindi protektado. Dagdag ng UN, kada-1 degree celcius na pagtaas ng pandaigdigan temperatura, tataas rin ng 4.7% ang intimate partner violence (IPV). Ibig sabihin na sa 2-degree celcius na pag-init ng mundo, 40 milyong kababaihan ang makakaranas ng karahasan kada-taon pagdating ng 2090.


Sa tuloy-tuloy na pagsira sa kapaligiran at klima ng mga kapitalista para sa pagpapayaman, tuloy-tuloy rin nitong pinapalala ang paghihirap na nararanasan ng kababaihan. Malinaw na ang pagwasak sa sistemang gahaman at ang pagsasakapangyarihan ng kababaihan sa parehong pribado at pampublikong mga espasyo ang mga paraan para makalaya nang tuluyan ang kababaihan at mamamayan sa tanikala ng pambubusabos.


Totoong ang krisis sa klima ay walang pinipiling kasarian. Ngunit ang kababaihan pa rin ang nananatiling mas apektado dahil sa di-pagkakapantay-pantay na likha ng kapitalismo, patriyarkiya, at iba pang sakit ng lipunan. Walang ganap na pagtugon sa krisis sa klima kung hindi lalaya ang kababaihan. ###


Para sa mga katanungan sa artikulo:

Christian John P. Argallon

Junior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Para sa ibang katanungan kaugnay sa PMCJ:

Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Viber: +639916692356

WhatsApp: +639380898327


Comments


bottom of page