SIGNATURE CAMPAIGN STATEMENT MULA SA MGA MANGINGISDA NG BAGASBAS, CAMARINES NORTE
- Media Communications
- Jun 9
- 4 min read
Updated: 3 hours ago
Sa mga kapwa namin maliliit na mangingisda,
May malaking pangangailangan ng ating pagkilos, upang protektahan ang ating kinse kilometro.
Singlaki man ng mga dambuhalang alon ang kapangyarihan at impluwensya ng mga malalaking negosyante ng isda, singlalim naman ng karagatan ang ating paninindigan, at kasama natin ang malawak na hanay ng mamamayan. Titindig tayo at lalaban, para sa ating kinse kilometrong pangisdaan.
Noong 1998, napagtagumpayan ng mga maliliit na mangingisda na maisabatas ang Fisheries Code, ito ay isang batas na nagsasaad tungkol sa usapin ng pangingisda sa Pilipinas. Ang isang probisyon sa batas na ito ay ang tinatawag na preferential access kung saan, binigyang-prayoridad tayong mga maliliit na mangingisda sa munisipal na katubigan, at pinagbawalan ang mga malalaking komersiyal na makapangisda rito.
Ngunit sa kabila ng batas na ito, alam natin na noon pa tayo binabalasubas ng mga komersiyal na pangingisda. Dahil kahit may batas na nagbabawal sa kanila, ay matagal na silang labas-pasok sa ating kinse kilometrong pangisdaan. Matagal nang ninanakaw ang mga huling isda na dapat sana ay para sa atin, inaagaw nila ang ating hanapbuhay.
Malinaw na ang kanilang ginagawa ay labag sa batas at ito ay dapat ng matigil. Pero ang masaklap, kabaligtaran ng ating kahilingan ang naging tugon ng gobyerno sa isyung ito. Dahil sa halip na mahigpit na ipatupad ang Fisheries Code at hulihin ang mga lumalabag dito, noong Disyembre ng 2024, ay dineklarang “unconstitutional” ng isang Supreme Court Order ang isang probisyon tungkol sa Preferential Access sa Fisheries Code, ang probisyong ito ang pumuprotekta sa karapatan nating mga maliliit na mangingisda sa munisipal na katubigan, at nagbabawal sa mga komersiyal na mangisda rito.
Ang masama pa, sa order na ito ng Korte Suprema, ay ginawang legal ang pangingisda ng mga komersiyal sa kinse kilometro. Ang naging resulta, kung noong ilegal pa ay nagtatampisaw na sa pera ang mga malalaking negosyante ng isda, ngayong legal na ay mas marami pa sa buhangin ng dalampasigan ang kanilang mga tubo. Habang tayo ay unti-unti ng nalulunod sa hirap ng buhay, dahil halos wala nang natitirang huling isda para sa atin.
Maswerte na kung maka-isang timba ng isda kada araw sa Daet ngayon, kumpara dati na halos umaabot sa dalawang timba. Pero isang halimbawa lamang ito ng mga epekto ng komersyal na pangingisda sa ating kinse kilometro. Idagdag pa natin ang karanasan ng mga maliliit na mangingisda ng Capalonga, at marami pang lugar sa Camarines Norte, karatigbayan, at ang lahat ng apektado sa buong bansa ng Supreme Court Ruling.
Gayundin, di lamang kabuhayan natin ang nanganganib sa isyung ito, bagkus maging ang suplay ng pagkaing isda. Dahil ang mga isdang nahuhuli ng mga malalaking komersyal na pangisdaan ay pang-export, samantalang ang mga isdang nahuhuli natin ay para sa sambayanang Pilipino. Sa ganitong kalagayan, lalong nanganganib ang seguridad sa pagkain ng isda. Maging ang ating kalikasan ay damay rin, dahil ang pangingisda ng mga malalaking commercial fishing vessel, ay sumisira rin ng ating karagatan.
Ang mga inhustisyang ito ang dahilan kung bakit tayo dapat kumilos laban sa patakaran ng Supreme Court na pumapabor sa mga malalaking commercial fishing vessels, sa kinse kilometrong munisipal na katubigan.
Kailangan natin igiit ang ating karapatang nakasaad na sa binalasubas nilang Fisheries Code, at kailangan nating protektahan ang ating kabuhayan, at ang karagatang lubos na nalapastangan rin dahil sa desisyong ito.
Sa pagkakaisa ng lahat ng mga maliliit na mangingisda, kasama natin ang malawak na mga samahang kaisa natin sa ating laban. Kasangga natin dito ang PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice), ang iba’t iba pang mga grupo, maging ang ilang mga naging kakampi natin na taong simbahan, at hanggang sa mga local government unit o LGU. Kasama natin silang nag-apela laban sa desisyon ng Korte Suprema at itinindig natin ang ating matinding pagtutol sa patakarang inilabas nila sa kinse kilometrong munisipal na katubigan.
Gayunman, habang gumugulong ang legal proseso, alam nating hindi lamang ito ang solusyon. Kung kaya, bukod sa ubos-lakas na pagpapalaganap ng impormasyong ito, isa lamang ang liham na ito sa ating marami pang mga paraan ng paglaban.
Isa rin sa ating mahalagang gawain, ay ang matipon ang malawak na bilang ng mga maliliit na mangingisda at makasama sila sa maraming mga sama-samang pagkilos, at kapag nagawa nating tipunin ang ating kapwa mga maliit na mangingisda, ay lilikha ito ng lakas na magtutulak sa gobyerno para sa agarang aksyon sa ating karapatan, sa kinse kilometrong munisipal na katubigan.
Mahalaga ang ating pagsasama-sama, dahil ito ang magtutulak sa legal na proseso na umusad ng mabilis at pumabor sa ating panig.
Kaya’t bilang unang aksiyon natin sa isyu ng kinse kilometro, inaanyayahan namin kayong pumirma sa kampanyang ito upang ipakita ang ating pagkakaisa sa pagsusulong ng ating laban para sa ating kinse kilometrong katubigan, at para rin sa ating karapatan sa kabuhayan, kinabukasan, at proteksiyon ng kalikasan.
Buhay at kabuhayan natin ang dagat. Kaya kahit singlaki ng dagat ang problema, sama-sama nating sasagwanin ito hanggang marating natin ang pampang ng mga solusyon at tagumpay. Kung sama-sama, hinding-hindi tayo malulunod, kahit hadlangan man ng mga dambuhalang alon.
Para sa sama-samang paglaban,
Bagasbas FisherFolk Development Association (BFDA)
Philippine Movement for Climate Justice
Comments