Sariwain at Isabuhay ang Diwa ng EDSA; Patalsikin at Panagutin ang Lahat ng Pumapatay sa Tao at Planeta
- Media Communications

- Feb 24
- 3 min read
Pinabagsak ng masang Pilipino ang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. 40 taon na ang nakakaraan. Bukod sa lalong pagkasadlak ng ekonomiya, isa sa pinakamalaking pagbabago mula noong 1986 ay ang paglala ng krisis sa klima at ang negatibong epekto nito sa mamamayan. Ang isyu ng flood control ang nagsiwalat ng lantaran at malawakang korapsyon sa gobyerno na nagdulot ng malalaking protesta noong huling bahagi ng 2025. Higit pa sa kaliwa’t kanang pagkilos ng mamamayan, mismong ang kalikasan ang nagtutulak sa atin na patalsikin ang puno’t dulo ng krisis.
Apatnapung taon makalipas, isa na namang Marcos ang nakaupong Presidente at korapsyon pa rin ang namamayaning protokol ng gobyerno. Di na bago ang mga krisis na nararanasan sa kasalukuyan. Produkto ito ng makasaysayan at ilang henerasyong pagnanakaw at pangungurakot sa mga Pilipino ng mga Marcos at mga mayayamang pamilyang may hawak ng pera at kapangyarihan. Makatwiran lamang na nais ng mamamayan na wakasan ang siklo ng kabulukan.
Nagpalaganap din ang rehimeng Marcos Sr. ng iba’t ibang krimen laban sa kalikasan. Sa ilalim ng kanyang Batas Militar, nagsimula ang labis na pagkakalbo ng kagubatan ng bansa. Tinatayang dalawang milyong hektaryang gubat ang sinira para ibenta sa ibang bansa ang kakahuyan ng kanyang mga kasabwat na kapitalista. Ganito rin ang kanyang ginawa sa mga kabundukan ng bansa. Gamit ang industriya ng pagmimina, sinira at binenta noong panahon ni Marcos Sr. ang mga yamang lupa ng bansa habang ginugutom at pinapatay ang mga Pilipino.
Ipinagpapatuloy ng mga sumunod na administrasyon ang ganitong modus, kabilang na ang anak niyang si Marcos Jr. Namamayagpag ang pagmimina ng nickel sa Zambales at sinisira nito ang mga kabuhayan ng mga magsasaka at mga mangingisda sa probinsya. Sa Dupax Del Norte, dinahas at hinuli ang mga residenteng nagbarikada upang pigilan ang iligal na pagmimina at paninira sa kanilang lugar.
Winawasak ng mga plantang pinapagana ng fossil fuels ang kapaligiran at mga komunidad sa paligid nito. Anupa’t patuloy ang suporta ng gobyerno ni Marcos Jr. sa mga expansion at pagpapatayo pa ng mga bagong planta at proyektong fossil fuels. Sa probinsya ng Quezon, inendorso ni Energy Secretary Sharon Garin ang pagpapatayo ng Atimonan One Energy ng 1,200-megawatt (MW) coal plant, kahit sakop ito ng coal moratorium, at sa kabila ng mariing pagkontra ng komunidad at mga kabataan. Sa Batangas, kaliwa’t kanan ang mga proyektong fossil gas na naglalayon umanong maging “transition fuel” para sa mas malinis na enerhiya, pero ang mga istruktura at pasilidad na ginagawa ay pangmatagalan. Sinisira rin ng mga plantang ito ng fossil gas ang kabuhayan at kalusugan ng mga residente sa paligid nito.
Ipinipilit din ng gobyerno ni Marcos Jr. ang pagpapaunlad ng nukleyar sa bansa, bilang bahagi ng delusyon na legasiya ng kanyang ama sa palpak at hindi napakinabangan na Bataan Nuclear Power Plant.
Kasabay pa rito ang palpak din na tugon sa samu’t saring eskandalo ng korapsyon ng kanyang administrasyon: mula sa pagiging duwag sa pagpapanagot sa kanyang korap na Bise Presidente Sara Duterte, sa mga maanomalyang flood control projects, at hanggang sa pag-apruba ng 2026 National Budget na mayroon pa ring bahid ng korapsyon.
Malinaw ang pagkakapareho ng tunguhin ng mag-amang Marcos. At kung ang noon ay ngayon, malinaw rin na tutunguhin ng kasalukuyang administrasyon ang galit ng taumbayan.
Ang bawat baha na mararanasan ng bansa ay magiging manipestasyon ng pinagsama-samang kawalang-kakayahan, inaksyon, at pagsasamantala ng mga naghaharing pamilya na pinag-aawayan kung sino ang may mas malaking mananakaw na pera sa taumbayan.
Ang galit ng mga mamamayan ay bagyong babaha sa lansangan. Masasagasaan ang mga naghahari-harian dahil babawiin na ng api ang kapangyarihan nito mula sa kanila. ###
Para sa mga katanungan sa artikulo:
Christian John P. Argallon
Junior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Para sa ibang katanungan kaugnay sa PMCJ:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Viber: +639916692356
WhatsApp: +639380898327




Comments