top of page

Sagipin ang Tao at Kalikasan sa Lumalalang Krisis: Wakasan ang Bulok na Sistema at Panagutin ang Korap na Gobyerno! —PMCJ

ree

Quezon City, Pilipinas —  Lumahok ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa “Protestang Bayan Kontra Korapsyon” o mas kilala bilang “Baha sa Luneta 2.0,” upang isulong ang panawagang panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon at baguhin ang sistemang pinaiiral nila.


Higit tatlong buwan na ang nakalipas mula nang isiwalat ni mismong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang korapsyon sa flood-control projects at maganap ang malaking rali noong Setyembre at mga sumunod pang serye ng protesta’t pasikut-sikot na “imbestigasyon” ng pamahaan ngunit hanggang ngayon, wala pa ring nakukulong o napapanagot sa lahat ng sangkot.


Marami na ring nangyari mula noon na lalong nagpapatunay na kailangan na nating baguhin ang sistemang bulok. Naganap na ang mga pandaigdigang pagkilos tulad ng paniningil sa mayayamang bansang nagpapatupad ng mapanirang mga polisiya’t proyekto, na punan ng trilyong dolyar ang pondo para sa ‘loss and damage’ na naidulot nila sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Gayundin ang pagpapatambol ng panawagan sa taunang pulong ng World Bank kung saan aktibo ang mga komunidad sa Quezon, Zambales, Bataan, at iba pa, na napeperwisyo ng mga plantang coal na naitayo dahil sa mga bangko at institusyong ito.


ree

ree

“Papasikip na ang panahon para matugunan ang krisis sa klima. May hinahabol tayong oras. Kung hindi man walang aksyon ay napakabagal ng pagtugon ng mga gobyerno sa krisis sa klima. Alam nating kaya ganito ay dahil hindi kasama sa interes ng mga naghaharing-uri ang pagtugon sa nilikha nilang kaliwa’t kanang krisis. Ito ang dahilan kung bakit ‘hustisyang pangklima’ ang matagal na nating ipinapanawagan sa kilusan para sa kalikasan. Tiyak natin kung sino ang mga maysala at ano ang puno’t dulo ng pagkawasak ng planeta: Ang mayayamang iilan, at ang pinapairal nilang bulok na sistema,” ani Ian Rivera, national coordinator ng PMCJ.


Patuloy ang pagkilos ng mamamayan para sa hustisya kahit halos walang usad ang ginagawa ng administrasyon. Nag-file ng pormal na reklamo sa Ombudsman ang mga residente ng Atimonan laban kay DENR Secretary Sharon Garin dahil sa pagpapahintulot nito sa proyektong coal sa Atimonan kahit may coal moratorium. Mangilang bagyo rin ang nanalasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa—daan-daang katao ang namatay sa bagyong Tino


Imbes na umaksyon nang tama ay binubusalan pa ng mga otoridad ang taongbayan. Noong nakaraang linggo lamang, pinigilan ng mga otoridad ang komunidad ng Batangas na magsagawa ng fluvial protest para tutulan ang mga fossil gas projects sa probinsya bilang bahagi ng global na kampanyang Don’t Gas the South.


“Hinaras kami ng mga galamay ng estado kasi ayaw nila na kumokontra kami sa mga pinapayagan nilang proyekto na unti-unting pumapatay sa amin. Napakaraming proyektong fossil fuels ang nasa Batangas at labis ang paghihirap namin dahil dito. Gayunman, nilalakasan lang namin ang loob sa paglaban para aming komunidad. Marapat nang baguhin ang sistemang pumapatay sa tao at kalikasan,” ani Joseph Vargas, lider-mangingisda mula sa Clean and Healthy Air for All Batangueños (CABATANG).


Mula pa lang sa isang trilyong pisong nilustay ng Administrasyong Marcos sa palpak na flood control projects, hanggang sa kinamkam na confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte pagkaupo pa lang nito sa puwesto, kitang-kita natin na lahat sila, mula palasyo hanggang Kongreso, Senado, at iba pang opisina ng gobyerno, ay orkestradong nagpapagana ng sistematikong pandarambong.


"Ang sistemang gahaman na nananalaytay sa bansa ay matagal nang pinunla ng mga dinastiya ng mga sakim at palamunin. Kailangan nating siguruhin na hindi na babalik ang mga kagaya nila sa pamamagitan ng tuluyang pagbabago ng sistema sa ating bansa. Alam ng masa kung ano ang tunay na maayos na pamamahala dahil tayo ang direktang nakakaranas ng kahirapan, kagutuman, karahasan, at kawalan ng hustisya. Sa mga hinahaing reporma sa polisya mula sa usapin sa klima hanggang sa isyu ng mga batayang sektor, batid ng mamamayan kung paano tutugunan ang krisis,” ani Rivera. ###



PARA SA MGA KATANUNGAN:


Christian John P. Argallon

Junior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Viber:+639916692356

Comments


bottom of page