top of page

Manggagawa, panghawakan ang kapangyarihan! Wakasan ang mapang-aliping sistema! Itatag ang lipunan para sa tao at planeta! —PMCJ

Quezon City, Pilipinas — Sa patuloy na giyerang pinasimulan ng imperyalistang US at Israel sa West Asia (Middle East), ang mga manggagawa sa buong mundo ang pangunahing pumapasan at nakararanas ng mga nakamamatay na epekto nito. Ngayong Pandaigdigang Araw ng Manggagawa, mariin ang panawagan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ng pagbabago sa bulok na sistemang nagpasimula, nagpapanatili, at nagpapalala sa krisis sa ekonomiya, enerhiya, at klima.


Sa Pilipinas, sumipa nang higit sa ₱100 ang presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo matapos ang pambobomba ng US at Israel sa Iran. Mabilis na lumala ang mga suliranin ng iba’t ibang sektor, lalo na sa transportasyon. Tampok sa mga balita ngayon ang dispalinghadong proseso ng pagpapamahagi ng ₱5,000 na ayuda kung saan isang drayber na nga ang namatay habang naghihintay sa pila para lamang makatanggap ng kakarampot na tulong. Maraming ruta ng dyip ang hindi na bumabyahe, bagay na lalo pang nagpapahirap sa mga manggagawa na makarating sa kani-kanilang mga trabaho araw-araw.


“Nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis kahit malakas ang panawagan ng masa na ipawalang-bisa ang Fuel Excise Tax at Value Added Tax (VAT). Kibit-balikat ang gobyerno sa mga ito dahil patuloy itong nagpoprotekta sa interes ng mga oil companies habang sinasamantala ang krisis para lang kumita pa nang mas malaki. Makikita na talagang ang mga korporasyon at kapitalista ang kanilang kinakampihan, imbes na ang mga mamamayan at manggagawa na nagpapasahod sa kanila,” ani Larry Pascua, PMCJ senior energy officer.


Nang magdeklara si Pangulong Bongbong Marcos ng isang National Energy Emergency, ipinahiwatig din ng Department of Energy na imbes na paigtingin, lalo pang pabilisin, at bigyan ng buong atensyon ng gobyerno ang transition tungo sa renewable energy (RE), isa raw sa maaaring tingnan na solusyon sa krisis ay ang pansamantalang pagdepende sa coal. Matagal nang nakaasa ang Pilipinas sa mahal, marumi, at nakakamatay na coal. Ang kasaysayan ng bansa sa patuloy na paggamit nito ay hindi kailan man nagpababa ng presyo ng kuryente, nagpalawak ng enerhiya lalo na sa  elektripikasyon ng mga mahihirap na komunidad at liblib na lugar, at nag-alis sa salot ng patay-sinding kuryente.


Ayon kay Ian Rivera, PMCJ national coordinator, isa itong malinaw na ebidensya ng pagkampi ng pamahalaan sa mga oligarkiya sa industriya ng enerhiya sa bansa. “Nakita na natin kung ano ang ibig sabihin ng gobyerno kapag sinabi nilang ‘pansamantala.’ Transition fuel ang tawag nila sa fossil gas. Isa raw itong temporary fuel source habang tayo ay nagta-transition palayo sa coal. Ngayon, ang mga mamamayan ng Batangas ay nagkakasakit sa puso at nagkakaroon ng hypertension dahil sa methane na ibinubuga ng naglalakihang planta sa kanilang lugar. Gayundin, hindi pa gaanong tumataas ang share ng renewable energy sa pambansang energy mix. Hindi lamang mga residenteng malapit sa mga maruming planta ang namamatay, kundi ang mga manggagawa sa mismong loob nito,” giit ni Rivera.


Dagdag ni Pascua, ang patuloy na pagdepende sa coal ay lalo pang magpapalala sa masalimuot na kalagayan ng mga manggagawa sa mga coal plant sa bansa. Binanggit niya na ang mga coal plant workers ay exposed sa mga kemikal tulad ng asbestos, carbon monoxide, sulfur oxides, at nitrogen oxides, na sanhi ng iba’t ibang uri ng kanser at mga sakit sa puso at baga.


“Sa ibang komunidad pa na may mga coal plant, alam ng mga residente na hindi ligtas ang mga manggagawa sa mga coal plant. Nakausap ng PMCJ ang ilang residente sa Mauban, Quezon tungkol sa kalagayan at hindi maayos na kaligtasan ng mga manggagawa. Idinetalye nila na alam ng komunidad ang ilang insidente ng aksidente at pagkamatay sa planta na tinago ng planta para hindi kumalat ang balita,” ani Rivera.


Noong Nobyembre 2025, panahon ng Undas, namatay ang isang manggagawa sa planta sa Pagbilao dahil sa sunog. Giit ni Rivera, ito ay patunay na delikado ang coal, hindi lang dahil sa epekto nito sa kalusugan, kundi pati na rin bilang lugar ng trabaho para sa mga manggagawa.


Sa mabilisan at makatarungang transisyon tungo sa renewable energy, esensyal ang mga manggagawa hindi lamang sa pagbuo ng mismong industriya, kundi maging sa pamamahala ng mga balangkas, polisiya, at iba pang gulugod, na magtitiyak ng kawalan ng pagsasamantala at pang-aapi.


“Ang laban ng mga manggagawa ay laban ng buong bayan. Tangan nito ang makasaysayang papel sa pagbabago ng lipunan. Sa gitna ng krisis at digmaan, ang mga solusyon para mapalakas ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay solusyon din para malutas ang mga problema at krisis sa enerhiya, agrikultura, klima, at lipunan. Malinaw na nasa kamay ng mga manggagawa ang kakayahang hubugin  ang hinaharap kung saan ganap ang kalayaan mula sa kahirapan at sistemang gahaman,” ani Rivera. ###


Para sa mga katanungan, i-contact:

Christian John P. Argallon

Junior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Para sa iba pang concern sa PMCJ, i-contact:

Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice

Viber: +63-991-669-2356

WhatsApp: +63-938-089-8327


Recent Posts

See All

Comments


bottom of page