top of page

Igiit ang Karapatan ng Maliliit na Mangingisda, Umarya Para sa Hustisyang Pangklima

Updated: May 30

The Philippine Movement for Climate Justice, together with various organizations, held the "ATIN ANG KINSE: Convergence Summit to Protect Municipal Waters", March 20.
The Philippine Movement for Climate Justice, together with various organizations, held the "ATIN ANG KINSE: Convergence Summit to Protect Municipal Waters", March 20.

Sa gitna ng krisis sa klima at patuloy na pagpapahirap sa kalagayan ng batayang sektor tulad ng maliliit na mangingisda, tinutukoy at nilalabanan natin ang palyado at bulok na sistemang nagpapanatali sa pandarahas, panunupil, at pagkasira pa lalo ng yamang likas.

 

Ngayong National Fisherfolk’s Day, kaisa ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ng mga maliliit na mangingisda sa kanilang panawagan para sa kongkretong aksyon na tunay na magtatanggol sa kanilang karapatan at kabuhayan. Itong araw ay hindi seremonyal lang kundi pagkilala rin sa mahalagang ambag ng mga artisanal na mangingisda sa lokal na produksyon, maging sa laban para sa hustisyang pangklima.


Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority ng 2025, bumaba sa 196.12 libong metrikong tonelada, o 6.5  porsyento, ang produksyon ng maliliit na pangisdaan noong nakaraang taon. Nakababahala ang pagbabagong ito sa seguridad ng pagkain. Mas mataas ang kontribusyon ng maliliit na pangisdaan sa lokal na pamilihan kumpara sa komersyal na pangisdaan na kadalasan ay ine-export. Sa datos ng parehong ahensya noong 2022,  higit sa 830,954 na mangingisda at milyon-milyong pamilya sa buong bansa ang nasuplayan ng pagkain ng maliliit na pangisdaan.


Patunay ang krisis sa produksyon na nararanasan ng maliliit na mangingisda sa malagim na epekto ng krisis pangklima sa ating buhay at kabuhayan.


Sa pagpapatuloy ng malubhang epekto ng krisis sa klima sa huli, kita, at seguridad sa pagkain ng bansa, dagdag-dagok pa ang banta sa kanilang kabuhayan ng mga komersyal na pangisdaan. Mas pinatindi pa ito ng desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 2024 na nagpapahintulot sa malalaking kompanya na mangisda sa loob ng 15-kilometrong munisipal na katubigan. Ito ay isang mapanganib na desisyon dahil ang noo’y eksklusibong katubigan ng mga maliliit na palakaya sa ilalim ng Fisheries Code ay malaya nang papasukin ngayon ng komersyal na pangisdaan.


Ang tuluyang pagpasok ng komersyal na pangisdaan – na dati nang iligal, di naitatala, at di nareregula – ay lalo pang sisira sa natural na tirahan ng mga isda dahil sa kanilang mga mapanirang pamamaraan. Laganap ang trawling o tinatawag din na likom-likom sa Mindanao, lalo na sa probinsya ng Sarangani. Sa halip na tulungan ang mga maliliit na mangigisda, ang mga institusyon pa ng estado ang nagbibigay-daan sa karagdagang pandarambong at pabor sa iilan na lalong hinahadlangan ang kanilang karapatan at kabuhayan.

PMCJ, Pangisda Pilipinas, Panagat, and Oceana Philippines protest, December 30, 2024
PMCJ, Pangisda Pilipinas, Panagat, and Oceana Philippines protest, December 30, 2024

Ngunit hindi natatapos sa 15-kilometrong munisipal na katubigan ang pasakit na kinakaharap ng maliit na pangisdaan. Ang malawakang komersiyalisasyon at pagkokomersyo ng baybaying dagat ay matagal nang inilalako at pinapatakbo ng mga proyektong nakaugat sa kapitalistang pag-unlad. Pinatunayan na sa kasaysayan ng Pilipinas na ang modelo ng “kaunlaran” na nakabatay sa kita ay nakakawing na mapaminsala sa kalikasan, at nagsasangkalan sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.


Kung kaya naman hanggang ngayon ay patuloy ang pag-alagwa ng mga nakasisisirang proyekto tulad ng reklamasyon at pagtatayo ng mga plantang pinapagana ng marumi, mahal, at nakamamatay na mga fossil fuel. Ang mga itinatayong planta ng coal, gas, at iba pang fossil fuel na nasa ating karagatan ay nagdudulot ng malaking pinsala hindi lang sa mismong tubig-dagat kundi pati sa yamang-dagat na ikinabubuhay ng maliliit na mangingisda.


Ilang insidente na ng coal spill at oil spill ang nangyari sa Pilipinas mula 1999-2024. Mula nang itayo hanggang sa mag-umpisang mag-operate ang mga plantang ito, naging malinaw na ang tanging dulot nito ay polusyon, kawalan ng tirahan, gutom, at kahirapan na siyang lalong nagpapahirap sa taumbayan dahil sa tumitinding epekto ng krisis sa klima sa bansa.

Hanggang patuloy ang pagpopondo sa mga mapaminsalang proyekto at polisiya, unti-unti rin namamatay ang kalikasan, kasama ang mga mamamayan na nagpoprotekta at umaasa rito. Isa pang halimbawa ang mga proyektong reklamasyon na nagpopronta ring magdadala ng imprastraktural na kaunlaran. Mariing tinututulan ng mga residente sa Taytay, Rizal ang Laguna Lake Road Network dahil sa banta sa kanilang seguridad sa tirahan at trabaho, at magdudulot ng pagkasira ng kalikasan.


Ang sistemang sumasamba sa kapital ay di kailanman tutugon sa pangangailangan, iintindi sa kalagayan, at makikinig sa hinaing ng mamamayan. Tulad ng ibang yamang likas, ang karagatan ay para sa lahat. Kung kaya hindi dapat ariin at pagsamantalahan ng naghaharing iilan.


Ang mga karagatan ay tradisyonal na kinikilala bilang "pag-aari ng walang sinuman, at karaniwang pag-aari ng lahat." Ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 1982, ang mga lugar sa karagatan na lampas sa mga limitasyon ng pambansang hurisdiksyon, gayundin ang mga mapagkukunan doon, ay pormal na idineklara bilang “pangkaraniwang pamana ng sangkatauhan,” kung saan ang kanilang paggalugad at pagsasamantala ay “isagawa para sa kapakinabangan ng sangkatauhan sa kabuuan".


Kaya ngayong ika-30 ng Mayo, higit sa pagpupugay, ito ay panata na kaisa ang PMCJ sa laban para sa ating karagatan at hustisyang pangklima. Mga komunidad mula sa iba't ibang baybaying rehiyon na tinatamaan ng reklamasyon, inalisan ng kabuhayan dahil sa coal spill, apektadong pamilya sa banta ng komerysal na pangisda, ang siyang titinding ngayong araw. Iisa ang panawagan: Sama-sama at patuloy na labanan ang sistemang mapaniil na pumapatay sa tao at kalikasan.


Ang salitang “arya” ay mula sa pangingisda na tumutukoy sa paghahayag o pag-”arya” ng lambat sa karagatan. Ang bawat araw ay ang pag-arya ng lahat ng batayan upang patuloy na lumaban, pag-arya ng ating iisang panawagan para sa pangklima, pangkalahatan, at panlipunang hustisya.




PARA SA MGA KATANUNGAN:

Danica Espedillon

Junior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Sheila Abarra

Senior Media and Communications Officer

Philippine Movement for Climate Justice


Commenti


bottom of page