Buhangin, Bilyon, at Katarungan: Huwag Busalan ang mga Tagapagtanggol ng Kalikasan!
Kinukundena ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang pagkakaso ng cyberlibel ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr., kina Heidi Fernandez, Executive Director ng Zambales Ecological Network (ZEN), at Sean Magbanua, mamamahayag ng Daily Tribune. Batay sa Complaint-Affidavit na inihain sa Office of the Provincial Prosecutor ng Zambales, ang reklamo ay may kaugnayan sa mga pahayag ni Fernandez sa iniulat na diumano’y ₱2 bilyong kita ng pamahalaang panlalawigan mula 2023 hanggang 2024, na iniuugnay sa excise taxes, environmental fees, at extraction fees mula sa mga operasyon ng dredging sa Zambales. Kabilang din sa reklamong tinukoy ang artikulo ni Magbanua sa Daily Tribune na pinamagatang “Greed’ behind Zambales sand dredging - group.”
Ang reklamo ay inihain sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, kaugnay ng Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code. Ayon sa subpoena na may petsang Setyembre 29, 2026, inatasan si Fernandez na magsumite ng counter-affidavit at mga kaugnay na dokumento sa Oktubre 22, 2026.
Karapatan ng mga environmental defender na magtanong, magdokumento, pumuna, at maglantad ng mga usaping may direktang epekto sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Sa Zambales, mahalagang usapin ang malawakang dredging dahil sa mga ulat ng coastal erosion sa Liwliwa, San Felipe, at mga tanong tungkol sa dami ng ng buhangin na kinukuha at epekto nito sa mga komunidad. Inilantad ng Zambales Ecological Network (ZEN), sa pangunguna ni Executive Director Heidi Fernandez, at ng mamamahayag na si Sean Magbanua ang mga tanong tungkol sa iniulat na ₱2 bilyong kita ng pamahalaang panlalawigan mula sa dredging-related fees noong 2023-2024. Nararapat lamang na malinaw na maipaliwanag ng mga kinauukulang ahensya ang mga koleksiyon, permit, at dami ng nahukay na materyales.
Sa isang ulat noong Setyembre 28, 2026, binanggit ng Bilyonaryo News Channel na may mga dokumentasyong isyu sa mga rekord ng koleksyon, kabilang ang mga nawawalang delivery receipts na binanggit sa isang ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2023.
Lumang taktika na ang pananakot, panggigipit, at pagpapatahimik ng mga mamamahayag at tagapagtanggol ng kalikasan. Ang mga tanong tungkol sa paggamit ng likas na yaman, kita ng pamahalaan, at epekto ng mga proyektong pangkaunlaran ay dapat tugunan sa pamamagitan ng transparency, bukas na konsultasyon, at pananagutan sa publiko.
Ang reklamong cyberlibel laban kina Fernandez at Magbanua ay nagbubukas ng mga seryosong tanong tungkol sa kalayaan sa pamamahayag at proteksyon sa mga environmental defender. Dapat suriin kung maaari itong magkaroon ng epekto ng Strategic Lawsuit Against Public Participation (SLAPP), o legal na aksiyong maaaring gamitin upang takutin o patahimikin ang mga nagsisiwalat ng mga usaping may pampublikong interes.
Naging sentro ng pampublikong usapin ang dredging sa Zambales kasunod ng mga ulat tungkol sa coastal erosion at pagkasira ng mga establisyemento sa Liwliwa, San Felipe. Habang iniuugnay ng ilang resort operator at environmental advocates ang pagguho ng baybayin sa dredging iginiit naman ng DENR na may itinalagang lugar para sa operasyon. Dahil dito, mahalaga ang independiyenteng siyentipikong pagsusuri at transparency sa mga permit at rekord ng dredging.
Samantala, noong Oktubre 2024, iniulat ng Philippine Daily Inquirer na isang barge na may dalang mahigit 11,000 metriko tonelada ng karbon ang sumadsad sa Masinloc Bay, na nagdulot ng pangamba sa mga bahura, fish sanctuary, at kabuhayan ng mga mangingisda. Ipinapakita nito ang pangangailangan sa mahigpit na regulasyon at malinaw na pananagutan sa mga industriyal na operasyong maaaring magdulot ng panganib sa yamang-dagat.
Masyado ng bugbog ang Zambales sa mga mapanirang proyektong naglalagay sa panganib sa kalikasan at kabuhayan - mula sa pagmimina sa Santa Cruz, dredging sa mga ilog at estuwaryo, hanggang sa coal-fired power generation sa Masinloc. Hindi ito magkakahiwalay na usapin: nakataya rito ang kaligtasan ng mga komunidad, pagkain, tubig, yamang-dagat, at kinabukasan ng lalawigan.
Matagal nang mahalagang usapin sa Santa Cruz, Zambales ang epekto ng pagmimina sa mga ilog, watershed, lupang sakahan, at mga komunidad na umaasa sa likas na yaman.
Sa pag-aaral ni Rowena R. Sazon ng University of the Philippines Los Baños, na inilathala noong 2016, sinuri ang epekto ng nickel ore mining sa ekosistema ng Alinsaog River. Natukoy sa pag-aaral ang mga suliranin sa kalidad ng tubig at mga sediment, kabilang ang mga konsentrasyon ng ilang metal na lumampas sa mga itinakdang gabay na ginamit sa pagsusuri, na maaaring magdulot ng masamang epekto sa mga organismong tubig.
Sa kaugnay na pag-aaral na inilathala sa Journal of Health and Pollution noong 2020, natukoy rin ang mataas na konsentrasyon ng ilang metal sa mga sediment ng Alinsaog River at ang pangangailangan para sa mas mahigpit na regulasyon at rehabilitasyon ng apektadong kapaligiran.
Ipinapakita ng pag-aaral na ito ang pangangailangan para sa patuloy na environmental monitoring, mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon, at mga programang magpoprotekta at magpapanumbalik sa mga ilog at watershed.
Dapat marinig ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang mamamayang direktang naaapektuhan ng mga gawaing pang-ekstraksiyon. Dapat ding maging bukas sa publiko ang mga kaugnay na permit, resulta ng environmental monitoring, at mga hakbang upang maiwasan at maitama ang anumang mapatunayang pinsala.
Hindi dapat isakripisyo ang kalusugan, pagkain, at kabuhayan ng mga mamamayan para sa mga proyektong hindi nagbibigay ng sapat na proteksyon sa kapaligiran at sa mga taong umaasa rito. ###
Para sa mga katanungan:
Joanne Soriano
Food, Land, Water and Climate Zambales Campaign Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Para sa iba pang katanungan hinggil sa PMCJ:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Viber: +63-991-669-2356 / WhatsApp: +63-938-089-8327





Comments