Bingi ang National Energy Emergency ni PBBM sa Panawagan ng Mamamayan; Wakasan ang Fossil Fuels! Ganap na Ibasura ang VAT at Fuel Excise Tax!
- Media Communications

- Mar 24
- 6 min read
Quezon City, Pilipinas — Di pa makakabili ng isang kilong bigas ang 56 pisong kinikita ng isang drayber ng jeepney, ayon sa balita. Gayunman, hindi itinataas ang pamasahe kahit piso lamang ang hinihiling ng mga drayber. Nagbabanggaan ang opinyon ng drayber at komyuter sa comments section sa social media, habang dalawang linggo lamang matapos ang pag-atake ng Estados Unidos (US) at Israel sa Iran, umabot na sa 130 bilyong dolyar ang pinagsama-samang market value ng anim na higanteng kumpanya ng langis sa stock market. Tunay na sa panahon ng krisis, mas natutukoy kung sino ang nakikinabang, patuloy na nangangamkam, at nananamantala, at kung sino ang patuloy na nasasadlak, sinasamantala, at kolateral.
May pangako ng kongkretong aksyon ang balitang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng National Energy Emergency noong Marso 24. Sa wakas ay kinilala na rin ng administrasyon ang matagal nang idinadaing ng taumbayan na may krisis at kinakailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan upang maiwasan ang pagsadsad ng kalagayan ng mamamayang Pilipino. Katunog ito ng matagal na nating ipinapanawagang National Climate Emergency na bagaman ginagawa na ng maraming lokal na pamahalaan (LGU), hindi pa rin pinapakinggan ng Malacañang.
Bagaman inilagay na sa iisang balangkas, na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), sa Executive Order (EO) No. 110 ni PBBM ang iba’t ibang responde ng gobyerno sa krisis, nananatiling walang matinong pagtugon sa nakakalulang presyo ng langis at kasabay nitong pagtaas ng presyo ng bilihin.
Sinundan ang EO ng pagpirma ni PBBM sa Republic Act. (RA) No. 12316 ngayong Marso 25, na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang fuel excise tax nang hindi hihigit sa tatlong buwan, habang ang kabuuang tagal ng lahat ng palugit ay hindi maaaring humigit sa isang taon. Ayon sa batas, maaaring suspindihin ng Pangulo, sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sa pakikipagtulungan sa Energy Secretary, ang fuel excise tax kapag ang karaniwang presyo ng krudo sa Dubai batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ay umabot o lumampas sa 80 dolyar kada bariles sa loob ng isang buwan bago ang pag-isyu ng suspensyon.
Malinaw na dehado ang mamamayan sa ganitong probisyon dahil kailangan pang hintayin ang isang buwang tuloy-tuloy na mataas na presyo ng langis sa panahong dumadaing na ang publiko sa pagtaas ng pasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin sa unang bugso pa lamang ng oil price hike. Bansot ang RA 12316 sa panawagan ng mamamayan na ibasura ang Value Added Tax (VAT), fuel excise tax, at iba pang buwis na nagpapahirap lang sa taumbayan. Sa halip na agarang ginhawa, lalo pa nitong dinaragdagan ang bigat na pinapasan ng mamamayan sa krisis dahil pilit nitong nilulubog ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Section 4 ng EO, bukod sa karaniwang mga probisyon sa mga kapangyarihan at tungkulin ng mga miyembro ng komite, nakasaad ang mandato na bumuo ng mga pangmatagalang solusyon at estratehiya upang mabawasan ang pagkonsumo ng mga produktong petrolyo. Kabilang dito ang pagpapabilis sa transisyon sa renewable energy (RE) sa pamamagitan ng paggamit ng electric vehicles (EVs). Malinaw na pinipili ng gobyernong hindi intindihin ang tamang lenggwahe ng makatarungang transisyon sa RE kung paggamit ng EVs ang nakikita nitong agarang aksyon. Matagal nang ipinapanawagan ng batayang mamamayan at mga progresibong grupo na mayroong malaking kahingian sa pagpapaunlad ng industriya ng RE, kung saan mahalaga ang pag-angkop ng mga polisiya mula sa lokal hanggang sa nasyunal na antas, at ang unti-unti ngunit tiyak na pagtigil sa paggamit ng fossil fuels kung saan kabilang ang pagbasura sa mga proyektong coal at fossil gas, at pagsasara ng mga maruruming proyekto.
Anupa’t may isang buong seksyon para sa Energy Supply Management Measures kung saan hinihikayat pa sa halip na inaamyendahan o ibinabasura ang mga batas na nagpapahirap pang lalo sa taumbayan tulad ng oil deregulation law at natural gas law. Labis din na nakakabahala ang nakasaad sa seksyon na pagpapabilis at pagpapaunlad sa industriya ng fossil gas dahil ang sadlak na pagka-depende ng bansa sa fossil fuels ang dahilan kumbakit sobrang laking dagok ang nararanasan ng mamamayan sa kasalukuyang krisis. Patuloy ang gobyerno sa pagpapalaganap ng naratibong alternatibo ang fossil gas sa coal kahit matagal na nating pinapanawagang pareho lamang itong fossil fuel, at walang ibang daan kundi ang makatarungang transisyon sa RE. Bukod sa insulto, napakalaki nitong problema kapag ang transisyon sa RE ay di malinaw na tinutugunan sa mga probisyon dahil mas binibigyan nito ang gobyerno ng kapangyarihang maging bulagsak sa pagpili ng mapagkukunan ng enerhiya at maisulong pang lalo ang fossil fuels na nagpapayaman lang sa mga ganid na oligarkong nakapalibot dito, at nagpapasadlak pang lalo sa mamamayang kung hindi nagbabayad ng nakakalulang presyo ng kuryente, ay nangamamatay sa mga komunidad na pinagtatayuan ng maruruming planta.
Ang mga nilalaman ng EO ay hungkag sa hinihingi ng sitwasyon na estratehiko, pangmatagalan, institusyunal, at istruktural na pagtugon sa krisis. Hindi ito umiigpaw sa kumbakit ang ekonomiya natin ay labis na nakatali sa pagyanig ng pandaigdigang sitwasyon. Bago pa man ang komosyon sa West Asia (Middle East), nangunguna ang presyo ng kuryente sa Pilipinas kumpara sa ibang nasyon sa Asya at Europa. Malay ang mga economic managers ng Pilipinas na ang isang liberalisadong merkado ng enerhiya ay nangangahulugan ng mataas na singil sa kuryente. Sa Timog-Silangang Asya, tanging ang Singapore at Pilipinas ang may nakakalulang presyo ng kuryente.
Nakasaad din sa Section 5 ang pagdirekta ng Department of Energy (DOE) sa mga attached agencies nito sa pagtulong sa pagtiyak sa suplay ng gasolina at enerhiya sa loob ng bansa, kabilang ang pagsubaybay, pamamahagi, at pag-procure ng produktong petrolyo. May nosyon ng pagkuha ng kontrol ng gobyerno sa produktong petrolyo ang 15% paunang bayad na kokolektahin nila sa bawat kontrata sa mga kompanya ng langis. Gayunman, delikado ito kung walang tiyak na limitasyon na nakasaad sa probisyon. Dahil sa mabuway na estado ng supply chain sa global, mayroong panganib sa biglaang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo matapos ang 15% paunang bayad na ito, at walang masasangkalan dito kundi ang mamamayan. Kasabay pa nito ang posibilidad ng pagbabayad ng gobyerno ng bilyon-bilyong piso para sa liquified natural gas (LNG) dahil sa pagsadsad ng reserba ng domestic gas; lalo na’t ipinipilit ng gobyerno ang huwad na naratibo na ito ang alternatibong pagkukunan ng enerhiya. Ligal na namang dodoblehin ang dagok sa mamamayan para sa fossil gas at ang negosyo rito.
Gayundin, kay Energy Secretary Sharon Garin na mismo nanggaling na patuloy na tumataas ang presyo ng LNG. Gayunman, ipinahayag niya na dahil dito, mapipilitan ang bansa na pansamantalang sumandig sa coal. Pinapaikut-ikot ng DOE at gobyerno ang mamamayan sa huwad na naratibo nila sa industriya ng enerhiya. Napatunayan nang marumi, nakamamamatay, at mahal ang coal, gayundin ang LNG, at iba pang fossil fuels. Kung hindi nagpapamalas ng kamangmangan ay sinusubukan nilang itulad ang mamamayang Pilipino sa inutil na pagtingin at mga hakbanging ito sa pagtugon sa krisis sa klima at enerhiya. Sa halip na paunlarin ang industriya ng RE na napatunayan nang mas mura at tiyak na malinis, nagbubulag-bulagan dito ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpili kung coal o fossil gas ang lalong magpapahirap at papatay sa kapaligiran at komunidad.
Bagaman positibo ang nilalaman ng Section 6 kung saan dinidirekta ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbigay ng agarang ayuda sa mga apektadong sektor, hindi pa rin ito sapat. Higit 80 porsyento ng kinikita ng mangingisda ay napupunta sa gasolina. Ang pangakong tatlong libong pisong ayuda ay makakarating lamang sa 14 libo sa 300 libong rehistradong mangingisda. Bukod sa pagtaas ng presyo ng abono, pasan-pasan din ng mga magsasaka ang tinatayang tatlong libong pisong pagtaas sa renta ng mga traktora at iba pang kagamitang pansaka. Kasabay ng inaasahang ‘super El Niño’, lalo pang madadagdagan ang pasakit sa mga pesante na gulugod ng ekonomiya ng bansa.
Patuloy na litanya ng tubo at pananamantala ang magiging laman ng mga panukala at aksyon ng administrasyon, kung hindi pinapakinggan ang lenggwahe at isinusulong ng mamamayan na solusyon sa masidhing krisis. Bagaman nakakadagdag lamang sa galit at pagkadismaya ang bawat balitang sumusulpot sa gitna ng krisis, mas nagiging malinaw sa atin kung sino ang nakikinabang at pumoprotekta sa sistemang pumapatay sa tao at planeta, at ano ang nararapat na hakbangin at pangmatagalang solusyon.
Magkakasang muli ng nasyunal na transport strike ang ngayo’y mas malawak na hanay ng mga drayber, operator, at komyuter sa Marso 26 at 27. Bukod sa paglahok, marapat na malinaw sa atin ang mga panawagang ibasura ang mga buwis sa mamamayan na nagpapayaman lamang sa mga oligarkong may hawak ng kompanya ng langis at mga kasabwat nito sa gobyerno, at wakasan na ang fossil fuels tulad ng coal at fossil gas, at landasin ang daan tungo sa makatarungang transisyon sa RE. Kung may bubuwisan man, ito dapat ay ang mga mayayaman, sa mukha ng wealth tax.
Iniaanak ng matitinding krisis ang matatagumpay na laban. Patunayan natin na nasa atin ang tunay na lakas upang paunlarin ang ating kalagayan. ###
Para sa mga katanungan:
Sheila Abarra
Senior Media and Communications Officer
Philippine Movement for Climate Justice
Viber: +639916692356
WhatsApp: +639380898327


Comments